May 14, 2013
KONTRA DAYA-SOUTHERN TAGALOG
Reference Person: Erica Chiong
Sa pag-anunsiyo kahapon ng Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) na itigil muna ang pagbibilang ng resulta ng halalan dahil umano sa ‘di tugmang mahigit 12 milyong boto sa 1,418 lamang na presintong nagpasok ng mga datos, nagbigay ito ng dagdag na duda sa dati nang maanomalyang Automated Election System (AES).
Simula noong 2010, isinalang na ang taumbayan sa isang napakateknikal na proseso upang matiyak ang isang dapat malinis at maayos na pagboto at pagbantay sa ating mga boto. Bagay na humihingi ng isang antas ng kakayahan at pagsusuri, lalo na sa hanay ng mga pollwatchers, upang matiyak na walang dayaang magaganap.
Gayunpaman, sa abot ng saklaw ng Kontra Daya – Southern Tagalog kasama ang iba’t ibang mga organisasyong nakabase sa kani-kanilang mga komunidad, kapansin-pansin ang dami ng naiulat na mga iregularidad sa araw ng halalan na patuloy pang nadaragdagan ngayong nasa yugto tayo ng canvassing. Tandaan na ang rehiyon ng Timog Katagalugan ang isa sa rehiyon sa bansa na may pinakamalaking bilang ng mga botante – mahigit 7.5 milyon. Kaya’t anu’t anupaman ang mga iregularidad na naganap dito ay dapat masusing maipaliwanag ng Commission on Elections (Comelec).
Anomalya sa mga presinto: Karamihan ay dahil sa PCOS machines
Sa mahigit 90 iba’t ibang kaso ng iregularidad, 50 dito ang naiulat na problema na may kauganayn sa PCOS machines, kalakhan dito ay dahil hindi gumagana ang mismong makina.
Katulad na lamang ng sa Clustered Precinct 425 ng Sitio Sambaville sa Antipolo City, na hindi na gumana buong araw ang PCOS. 95% naman ng mga makina sa Lipa City ay non-functioning ang status sa buong umaga ng halalan. Sa iba pang mga ulat, nagkaroon ng: biglang pag-shutdown, paper-jam, short-circuit, hindi pagprint ng Election Returns (ERs) at bateryang nabasa sa ulan na walang replacement. Ngayon lamang din pumasok ang mga balita sa mga liblib na lugar tulad ng sa Taytay, Palawan na 99% ng PCOS machines ang hindi gumana.
Malaki rin ang bilang ng mga rejected ballots, tampok na rito ng mahigit 800 iniluwa ng PCOS machine sa Clustered Precinct 180 sa Brgy. San Rafael, Montalban, Rizal; 327 rejected ballots sa Cluster Precincts 184 – 189 ng Brgy. Dulong Bayan, Bacoor City, Cavite at kinukuha pang bilang sa Brgy. Mamatid, Cabuyao, Laguna; Dasmariñas Elementary School, Cavite; Talaba Elementary School, Bacoor City, at marami pang iba.
Nakaapekto rin ang at nagbunsod ng pagkaantala ng pagboto ang pagkawala ng kuryente sa Tanauan City, Lipa City sa Batangas at Biñan, Laguna. Hirap din sa pagtransmitt ng ERs sa kani-kanilang provincial centers sa bayan ng Catanauan, Gumaca at Sariaya sa Quezon Province; Calaca at Batangas City; gayundin sa Puerto Princesa City.
Kung idadagdag pa natin ang usapin ng kawalan ng maayos na sistema sa pagpila, nangingialam na mga supporters ng pulitiko, PNP at AFP at panggigipit sa mga pollwatchers ay tiyak na komosyon ang idudulot sa mga presinto. Sa kasalukuyan mga ulat, 11 ang insidente ng harassment, threats at election-related violence; 7 kaso ng Vote-buying/Flying Voters/Electioneering; 4 anomalya kaungay ng mga Pollwatchers, at 11 bilang ng kaso ng Disenfranchised Voters at iba pa. (Tingnan ang kabuuang dokumento ng aming naitalang iregularidad.)
Pag-extend ng election canvassing: nagbukas lalo sa posibilidad ng dayaan
Hindi inaasahan kahapon ang pagdeklara ni Comelec Chairman Sixto Brillantes na isuspinde ang opisyal na bilangan at ilipat ng Martes ng umaga, sa kadahilanan ng “pagod”. Sa ganitong kalagayan, na-obliga ang mga pollwatchers na magdamag na bantayan ang mga boto sa dapat sanang isang araw lang na halalan.
Nagpapatunay ang pagdeklara ng extension sa inefficiency ng AES, dahil sa dami ng iregularidad sa buong bansa, kumain ito ng maraming oras at “pumagod” sa mga election volunteers.
Kaya’t maraming tanong ang umuusbong: Paano matitiyak ng Comelec na sa sitwasyong hindi pa rin nabibilang ang mga boto – Na hindi mapapalitan ang mga CF cards? Na ang mga balotang itinabi muna dahil hindi mabilang ng sirang PCOS machine ay ligtas? Na tunay ang panaka-nakang transmission ng mga election results sa iba’t ibang oras na pagpasok sa mga municipal at provincial centers?
Sa kabila ng mga pahayag ni Brillantes na 99.9% na magiging maayos ang daloy ng lahat isang araw bago ang halalan, nailantad ng mga pangyayari ang kabaligtaran: ang kanilang kawalang kahandaan sa mga kaganapan.
Ngayon pa man at pagkatapos ng halalang ito, maraming tanong ang kailangang sagutin ng Comelec dahil sa pagiging kampante nito sa sariling proseso.
Paninisi ng Comelec at hindi pag-ako sa kanilang kapabayaan
Ngunit tila pinatutsadahan na ni Brillantes ang mamamayan kagabi kung paano magpapaliwanag sa marami pang anomalyang naganap at posibleng maganap: pawang paghuhugas ng kamay o pagkikibit-balikat.
Tulad ng ginawa ng Smartmatic sa paglabas ng pahayag na wala silang kinalaman sa mga paratang ng PPCRV, mukhang ang magiging palusot din ni Brillantes ay hindi pag-ako ng responsibilidad dito at magbunton na lamang ng sisi sa iba: partikular ang kakapusan ng training ng mga BEIs na tinermino niyang “human error”. Pag-iwas ito sa isyu ng kanilang kapabayaan na magkaroon ng matibay na bakod ang halalan upang hindi pumalya at upang mapagbawalan ang sinumang magtatangka ng dayaan.
Idagdag pa natin ang mga tradisyonal na pamamaraan ng vote-buying na dapat panagutin ng Comelec, sa “siguradong” mga boto sa mga lugar na balwarte at walang katunggali ang mga angkan at sa sistematikong karahasan sa mga tumutunggali ng ganitong pamamakalad.
Lalong nababawasan ang kredibilidad ng Comelec sa mga Pilipino, dahil ang ahensiyang hindi kayang umako sa kanilang pagkakamali ay minamaliit ang boses ng mga dapat nilang ipinagtatanggol at pinagsisilbihan. Simula pa lamang ng hindi pagreview sa source code na gagamitin ngayong eleksyon, nalagay na sa panganib ang tiwala na ibinigay ng mamamayan kay Brillantes.
Hamon sa mamamayan: magmatyag at kumilos!
Kung ang mismong tagapagpatupad dapat ng isang sistema ng malinis na halalan ang siya na ring nagbibigay ng tuwid na daan upang magpatuloy ang maruming pulitika sa bansa, lalo’t higit kailangang maging mapagmatyag ang mamamayan laban sa mga kabuktutang ito.
Hindi natatapos ang halalan sa ating pagboto, kundi sa patuloy na paglahok natin sa pagbabantay hanggang sa pagluklok ng mga tunay na dapat maglingkod sa kapwa. Ngunit ngayon pa lamang, maraming “lingid sa ating kaalaman” sa teknolohiyang mapanlinlang, maraming anomalyang idinaan sa pagbubulag-bulagan ng mga kasabwat ng nasa kapangyarihan at hindi ito matatapos kung walang gagawin ang taumbayan.
Kaya hinihikayat ngayon ang mamamayan na sama-samang tiyakin ang isang tunay na demokratikong proseso. Dahil kung ang mga pinunong siyang hindi karapat-dapat ang mauupo – walang ibang talo sa halalan ito, kundi ang taumbayang naghahangad ng mga repormang tunay na maglilingkod sa interes ng nakararami.
ILANTAD AT LABANAN ANG HOCUS PCOS!
ISULONG ANG MALINIS AT TAPAT NA HALALAN!